MAYNILA (2nd UPDATE) — Isa ang sugatan sa sumiklab na sunog sa lumang Araneta City Bus Terminal sa Cubao, Quezon City ngayong Huwebes, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Dito dati ang estasyon ng mga bus papuntang probinsiya.
Ilang commercial establishment sa loob nito ang nasusunog.
Patuloy na inaapula ng mga bombero ang sunog na nagsimula pasado alas-4 ng hapon. Hindi pa naglalabas ng pahayag ang BFP sa posibleng pinagmulan ng sunog.
Base sa mga larawan, makikita ang makapal na usok na nagmumula sa sunog.
Umabot na sa Task Force Bravo ang alarma ng sunog.
Video mula kay Junjun Usman
Nakapag-evacuate naman ang tenants ng bus station, ayon sa manager nito.
Sa video na ipinadala ni Bayan Patroller Junjun Usman, kita ang usok mula sa isang condominium building na malapit sa sunog.
Makikita rin sa video na kuha ni Bayan Patroller Ermito Espra ang makapal na usok na nagmumula sa likod ng isang gusali sa Cubao, Quezon City kaninang pasado alas-4 ng hapon.
Kuwento niya ay isa siyang call center agent at pauwi na siya nang makita ang usok kaya kinuhanan niya ito ng video at ibinahagi sa social media.
Samantala, nakuhanan din ng video ni Bayan Patroller Ray Trinidad ang makapal na usok.
"Malapit lang po kasi ang office ko from that area. Kaya pauwi na rin sana papunta sa sakayan biglang may nakita po ako na malaking usok sa paradahan ng mga sasakyan," aniya.
Samantala, patuloy ang operasyon ng marami sa mga establisimyento sa paligid ng nasusunog na lumang bus terminal sa Araneta Center, ngunit may ilang mga kainan na piniling magsara na dahil sa sunog.
Mahigit 20 pulis din ang ipinadala sa lugar para maiwasan ang looting at para protektahan rin ang mga bombero.
Ayon kay Police Lt. Col. Joseph Almaquer ng Quezon City Police Station 7, may ilang mga bystander na nagsabi sa kanila kung paano umano nagsimula ang sunog.
“Based doon sa nakuha nating statements mayroon po kaninang nag-short circuit na biometrics saka 'yong kumukuha ng temperature. Doon po nagka-short circuit at the same time nagka-apoy,” aniya.
Ngunit ayon kay Quezon City Fire Marshal Fire Sr. Supt. Aristotle Bañaga, patuloy pa nilang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.
Nagsimula umano ang apoy sa mezzanine sa kanang bahagi ng gusali, kung saan naroon ang ilang mga opisina at storage room ng bus station.
Dagdag pa ni Bañaga, nakadagdag sa mabilis na pagkalat ng apoy ang edad ng gusali, na una pang itinayo noong 1970s.
Isang lalaki naman ang sugatan matapos tumalon pababa mula sa pinagmulan ng sunog.
Hindi pa rin naidedeklarang fire under control ang sunog bandang alas-8 ng gabi, o mahigit 3 oras matapos itong magsimula.
I-refresh ang pahinang ito para sa updates.
—ulat nina Jose Carretero at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News; Cielo Gonzales at Irene Manotok, BMPM
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.