MAYNILA — Idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Huwebes na 100-percent drug-cleared na ang mga barangay sa San Juan City — ang kauna-unahan sa mga lungsod sa Metro Manila.
Sa final deliberation, sinabi ni PDEA-Metro Manila director Emerson Rosales na lusot na ang nalalabing 3 barangay — West Crame, San Perfecto, at Batis — sa mga parametro na itinakda ng Regional Oversight Committee for Barangay Drug Clearing Program para maging drug-cleared.
Dahil dito, drug-cleared na ang lahat ng 21 barangay sa San Juan.
“Sa San Juan City, 100 percent. Sa other cities, we are having a difficulty to address. Alam naman natin na ang NCR, hindi tagarito karamihan ang nagpupunta. 'Yung ibang reported dito ay nagpunta lamang dito para magtrabaho and sadly na-involve sila sa drug case," ani Rosales.
Kinilala ni San Juan Mayor Francis Zamora ang hakbang ng mga barangay at City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) para tugunan ang isyu ng droga sa lungsod.
Kabilang dito ang pagtukoy sa "People Who Use Drugs" (PWUD) para mabigyan sila ng intervention at rehabilitation, tulad ng pagbibigay ng seminar sa life skills at livelihood.
Ang mga high-risk PWUDs naman ay personal na aalalayan ng mga doktor mula sa DOH para mabigyan sila ng programa para matigil ang paggamit ng droga.
Kasabay ng tagumpay sa droga, sinabi rin ni Zamora na San Juan ang may pinakamababang crime rate sa NCR.
“Makakatulong ito upang mapanatili namin ang pagiging lowest crime rate namin na lungsod sa Metro Manila. Kapag mababa ang crime rate, masaya ang ating mamamayan; ang mga negosyante, mas namumuhunan; at tiwala tayo na ‘pag maglakad tayo sa gabi ay ligtas tayo, hindi tayo nag-aalala sa ating mga sarili,” ani Zamora.
“Kung ito po ay pagsumikapan ng ating mga barangay, ng ating mga mamamayan, puwedeng makamit ang pagiging 100 percent drug-cleared ng mga barangay dahil nagawa na nga po ng San Juan,” dagdag niya.
Nagbukas na ng district office ang PDEA sa San Juan, at magkakaroon din ng drug reformation center para ipagpatuloy ang mga hakbang kontra droga, ayon sa alkalde.
Sa West Crame, isa sa huling tatlong barangay na na-clear sa droga, may na-identify na 'di bababa sa 100 drug users at pushers na sumailalim sa rehabilitasyon, sabi ni barangay chairman Lino Trinidad.
Aniya, inabot ng dalawang taon ang kanilang kampanya kontra droga.
“Hindi naman [sila] inaresto. Bale, pinapunta sila doon [sa CADAC] dahil nasa watchlist sila….para masabihan at makipag-coordinate sila para maalis ‘yung drugs dito sa Barangay West Crame,” sabi ni Trinidad.
“May intervention room kami na sasabihan sila na kapag ganto ang gagawin nila, talagang tutuluyan na sila. Kailangan tatakutin para matakot sila sa paggamit ng iligal na droga.”
MULA SA ARCHIVE
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.