Inaasahang maglalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong guidelines sa PUV Modernization Program kasunod ng pag-extend ng deadline nito mula sa March 31.
Wala pang ibinibigay na bagong deadline ang LTFRB pero inaasahang iaanunsyo ito kasabay ng ilang bagong polisiya sa susunod na linggo.
Una nang sinabi ng LTFRB na pinalawig ang deadline para bigyan ng mas mahabang panahon ang mga operator para makapag-consolidate at makabuo o makasama sa mga kooperatiba.
Nangangamba ang ilang tsuper na hindi pa miyembro ng kooperatiba na maputol ang kanilang kabuhayan dahil sa pag-aalinlangan ng kanilang mga operator na sumama sa cooperatives.
“Kung wala, saan kami bibiyahe? Eh di tambay lang. Kung ako lang, pabor ako para may biyahe sa araw-araw kung magkaroon man ng modernization,” ayon sa tsuper na si Ramer Gaje.
Gastos sa modernisasyon ng kanilang units ang pangunahing problema umano ng mga operator.
“Dahil nga mahal ang halaga ng unit, kailangan mo pa ng konduktor. Mahal ang maintenance. Ilang taong huhulugan mo ang unit na mapupunta sa 'yo,” ayon kay Gaje.
May ilang drayber naman na tulad ni Narciso Murillo na kasama na sa kooperatiba ang operator pero nagdadalawang-isip din sa pagkuha ng bagong unit.
“Tinatanong ko nga eh. Ang sabi, 'Naku magkakautang pa ako diyan, eh milyon ang halaga niyan.' Imbes na walang utang, magkakaroon ka pa ng babayaran. Mainam sana sa mga drayber para malamig lalo kung summer,” ayon kay Murillo.
Sa ilalim ng programa, nag-aalok din ng expanded equity subsidy sa mga operator na balak mag-apply ng loan sa mga pribadong bangko na nagkakahalaga ng P210,000 hanggang P360,000.
— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.