Tinatayang nasa 47,000 na Pinoy ang apektado ng pagsuspinde ng gobyerno sa pagpapadala sa Kuwait ng domestic workers na unang beses lang magtatrabaho roon.
Kasunod ito ng pagpaslang kay Jullebee Ranara, na ginahasa, sinunog, at iniwan sa disyerto.
Ayon sa Department of Migrant Workers, hindi muna aaksiyunan ang mga nasabing aplikasyon at kontrata habang pinalalakas ang monitoring, reporting, at response mechanism para sa mga OFW sa naturang bansa.
"Ito pong first time OFW kasambahay ay nakikita natin ay silang pinaka-vulnerable o potential na mahihirapan sa adjustment pagdating sa Kuwait. Kaya't pinagkakaingatan natin ang kapakanan nila at hindi muna natin sila papayagan, first time OFW kasambahay papunta sa Kuwait hangga’t meron tayong kasiguraduhan sa mas mahigpit pang proteksiyon," ani Overseas Workers Welfare Administration Administrator Hans Leo Cacdac.
Pero paglilinaw ni Cacdac na hindi sakop ng suspensiyon ang mga nakakuha na ng Overseas Employment Certificate.
"'Yung mayroon nang OEC, exit clearance ay papayagan na rin natin. But as I said, this cannot go on forever. May cut off tayo. Hanggang ngayong araw na lang ito," ani Cacdac.
Higit 100 aplikante ang apektado sa isang recruitment agency sa Maynila.
"Lahat ng recruitment agency, ito rin ang pinoproblema nila, 'yung mga nagastos nila. Hindi naman natin puwede lahatin… paano naman 'yung incoming applicant? Nadadamay lahat… unfair din sa iba," ayon sa branch manager na si Roberlyn Morallos.
Isa si Melody Nunal sa mga apektadong Pinoy.
"Nanghihinayang din ako. 'Yung mga ginagasta namin dito, nasasayangan din kami, kasi siyempre naghirap din kami. Paano 'yung hinihintay namin. Pagod sa pagproseso, punta roon, punta rito, tapos hindi naman pala matuloy," ani Nunal.
Ayon sa Department of Migrant Workers, nakikipag-ugnayan na ang gobyerno sa Kuwaiti authorities para pag-usapan ang pagpapalakas sa proteksiyon ng mga OFW doon.
-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.