Restobar sa Las Piñas, ipinasara dahil sa mass gathering at iba pang paglabag

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2021 05:06 PM

MAYNILA - Ipinasara ng lokal na pamahalaan ang isang restobar sa Barangay Talon Dos sa Las Piñas matapos itong mahuling lumabag sa health protocols noong nakaraang linggo.

Ayon sa ulat, pinuntahan ng Las Piñas City Business Permits and Licensing Office at ng pulisya ang restobar na nasa Alabang-Zapote Road, Sabado ng ala-1:15 ng madaling araw.


Nadatnan sa lugar ang 94 parokyano ng restobar, na ayon sa pulis ay paglabag sa mass gathering.

Bukod sa pananatiling bukas ng establisimyento lampas sa curfew na hatinggabi, nahuli rin ang ilang mga parokyano na walang suot na face masks at face shields.

May paglabag din umano ang establisyemento dahil sa paghain ng mahigit sa limit na 2 serving ng alak kada customer at pagpapatakbo bilang bar. 

Nakarating sa mga awtoridad ang sumbong na may isinasagawang mga pangmaramihang event sa restobar na labag sa pinapayagan ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 response.

Bukod sa mga customer, dinala rin ang 10 empleyado ng restobar sa barangay hall para idokumento at bigyan ng babala na huwag ulitin ang paglabag.

Muling nagpaalala ang pulisya na sundin ang health protocols at physical distancing pati ang ‘pag-iwas sa mga malakihang pagtitipon sa mga establisyemento. 

Nasa 77 ang active cases ng COVID-19 sa Las Piñas noong Pebrero 8. 

 RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC