'Walang pambili': Jeepney drivers dumaing sa utos na pagsusuot ng face mask

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2020 07:11 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sa gitna ng pangamba ng pagkalat ng novel coronavirus, ipinag-utos na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagsusuot ng face mask ng mga driver at konduktor ng mga pampublikong sasakyan.

Pero may ilan pa rin ang hindi sumusunod.

Ang tsuper na si Aurelio Ronquillo, 5 taon nang pumapasada sa Quezon City.

Kahit mausok at may banta ngayon ng 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD), wala siyang balak bumili ng face mask. Mas uunahin daw kasi niya ang pangangailangan ng pamilya kaysa bumili nito.
 
"Hindi po ako nagpe-face mask... Walang pambili, kulang. Imbes na pambili ng face mask pambili na lang ng gatas, diaper... Uunahin ko 'yung anak ko, 'yung gatas niya kailangan niya iyan," giit ni Ronquillo.

Ang ibang jeepney driver naman, hirap daw makahinga at hindi makatawag ng pasahero kapag may takip ang mga bibig.
    
"Hindi po ako sanay mag-mask," ani Marco Malibago.

Pero muling iginiit ng LTFRB sa lahat ng driver at konduktor ng public utility vehicles na magsuot sila dapat ng face mask.
    
Kung walang mabiling surgical mask, maaari anilang gumamit ng ano mang uri ng pantakip sa bibig lalo na kung sila ay uubo o babahing.
    
Iniutos din ng LTFRB ang paglalagay ng hand sanitizers sa mga terminal para magamit ng mga pasahero.
    
May babala ang LTFRB sa mga driver at konduktor na hindi pa rin sumusunod sa inilabas nilang bagong patakaran.

"May polisiya ang LTFRB kapag may circular na pinapalabas at hindi sinusunod, may violation po 'yan, bridge of franchise. May kaakibat na penalty patungkol diyan, at least P5,000," ani LTFRB chairman Martin Delgra.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.