Mga Pinoy na sinundo sa Hubei, repatriation team naka-quarantine na sa Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2020 06:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nailipat na sa New Clark City sa Capas, Tarlac ang mga Pinoy na sinundo mula Wuhan, China — ang tinaguriang sentro ng bagong coronavirus — kasama din ang repatriation team na nagsagawa ng operasyon.

Linggo ng umaga nang dumating sa bansa ang grupo. Nagkaroon pa ng 2 oras delay sa flight pero ligtas namang nakauwi ang 30 Pinoy.

Mula sa orihinal na 56, 30 lang ang nakauwi dahil nag-back out umano ang ilan dahil sa sari-saring dahilan.

"Wala pong contamination na nangyari. Based on report wala pong symptomatic na nakita or na-develop sa mga nakasakay sa eroplano," ani Department of Health (DOH) Undersecretary Gerardo Bayugo.

Mula Clark International Airport ay agad silang ibiniyahe sa Athlete’s Village para sa 14-day mandatory quarantine. Kasama sa quarantine ang 6 airline crew at 8 miyembro ng repatriation team mula Department of Foreign Affairs at DOH.

Isang kuwarto sa bawat Pinoy ang ibibigay, maliban na lamang sa pami-pamilya at may kasamang bata.

Bibigyan ng cellphone privileges at internet access ang mga Pinoy para ma-contact ang kanilang mga mahal sa buhay. Mahigpit kasing ipinagbabawal ang pagbisita ng mga kamag-anak habang sila ay naka-quarantine.

May itatalaga ring mental health team.

"They will be provided opportunity to breathe fresh air. By batch, by schedule, they can go out and go around... After three days, a mental health team from Mariveles will go there and assess mental needs," ani Bayugo.

Sasagutin din ng DOH ang lahat ng gastusin sa pagkain, hygiene kits, maging mga gamot.

Limang health personnel ang magbabantay sa mga naka-quarantine pero hindi sila magkakaroon ng direct contact dahil sa ibang building sila tutuloy.

Limang hospital facility din ang magsasalitan kada 3 araw para mag-monitor at magsagawa ng 2 beses na check-up sa isang araw sa mga Pinoy.

"Once na nag-manifest na po ng signs and symptoms, this patient will be isolated and taken to a DOH hospital, may ambulance po na naka-standby," ani DOH region 3 director Cesar Cassion.

Nananatili namang mahigpit ang seguridad sa loob at labas ng New Clark City.

"May limitations ang galaw ng pulis. DOH lang nakakapasok sa loob," sabi ni Police Col. David Poklay, director ng Tarlac Provincial Police.

Sa mga Pinoy sa Hubei province ng China na nais makauwi sa Pilipinas, maaari daw silang makipagugnayan sa embassy o konsulada ng Pilipinas sa Shanghai.

—Ulat nina Trisha Mosteles at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.