Suspek sa pagpatay sa trike driver sa QC, sumuko

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 12:25 PM

MAYNILA - Sumuko na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 20 anyos na suspek sa paghampas ng kahoy at pagpatay sa isang tricycle driver sa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Eliseo Florendo ng Barangay Alicia sa nasabing lungsod.

Martes ng gabi nang mangyari ang panghahampas na nakunan pa ng CCTV.

Sa footage, makikita na naglalakad si Florendo at maya-maya pa ay dumating ang isang tricycle sakay ang biktimang si Nelson Magbag.

Makikita ang panghahampas ni Florendo gamit ang isang dos por dos, maging ang paglaban ni Magbag gamit ang dalang patpat na kawayan.

Naisugod pa sa ospital si Magbag, na dalawang araw na-comatose bago tuluyang binawian ng buhay noong Huwebes.

Ayon sa suspek, nagtago siya sa Santa Maria, Bulacan sa sobrang takot nang mabalitaan ang pagpanaw ng biktima.

Doon siya sinundo ng mga tauhan ng NBI Death Investigation Division matapos mangako ang ama nitong isusuko siya.

Depensa ni Florendo, nagkaroon sila ng komprontasyon ni Magbag bago ang insidente.

Binully, pinagbantaan at binalikan umano siya ni Magbag kaya niya raw nagawang manghampas ng kahoy bilang depensa sa sarili.

Nananawagan naman ang ama ng suspek na tigilan na raw sana ang pamba-bash sa kaniyang anak sa social media.

Isasailalim sa inquest proceedings ang suspek na nahaharap sa kasong homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.