PatrolPH

SOCO: Kalansay ng babae natagpuan sa maisan sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 03:38 PM | Updated as of Feb 09 2019 03:46 PM

 

Halos dalawang buwang hindi nagpakita o kumontak sa kaniyang mga kaanak at kaibigan ang resto-bar employee na si Wendy Ramirez kaya't naghinala ang ina nitong napahamak na ang anak.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis, huling nakita si Ramirez kasama ang live-in partner nitong si Alfred Bicomong noong Agosto 27, 2018.

Nagpunta ang mga awtoridad sa pinagtatrabahuhan ni Bicomong, ngunit sinabi nitong matagal na silang hiwalay at hindi nagkikita ni Ramirez.

"Sabi niya tinakasan siya at wala na daw sila," pahayag ni PO3 Lourdes Janairo, investigator ng pulisya sa San Pablo, Laguna.

Habang patuloy ang paghahanap kay Ramirez, biglang nakatanggap ng kahina-hinalang tawag ang ina nito. Ayon sa di nagpakilalang caller, makikita raw si Ramirez sa isang maisan sa Barangay San Jose sa San Pablo.

Noong Oktubre 24, nagtungo ang mga awtoridad sa lugar at nadiskubre ang ilang piraso ng mga buto ng tao.

"Hindi namin ma-conclude kaagad noon kung isang babae o lalaki. Ito po ay buto-buto na lang po at mayroong mga buhok na mahaba," paliwanag ni Supt. Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo police.

Naniniwala si Joana Ramirez, ina ni Wendy, na mga buto ng anak niya ang nadiskubre sa maisan.

"Inisa-isa ko 'yung mga buto ng anak ko. Kilala ko kasi 'yung daliri niya. Doon pa lang, confirmed ko na 'yung anak ko 'yun. 'Yung nagpatibay sa akin lalo ay 'yung ngipin niya. Siyempre, ako 'yung nanay niya mula maliit siya," sabi ni Joana.

Panoorin ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, Pebrero 9, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.