Pagpapabakuna laban sa tigdas ‘wag nang ipagpabukas - opisyal ng Philippine Red Cross

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 10:59 AM | Updated as of Feb 09 2019 11:19 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hindi na dapat pang ipinagpapabukas ang desisyong pabakunahan ang mga bata laban sa tigdas lalo pa't may outbreak ngayon ng nakamamatay na sakit. 

"Mayroon po tayong outbreak. Pabakunahan na ang mga bata ngayon," sabi ni Dr. Susan Mercado, deputy secretary general ng Red Cross Center for Health and Humanitarian Action.

Sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga, idiniin ni Mercado na ang delikadong sakit ay nakamamatay.

"Ang daming bata ang may sakit at ang iba namamatay pa. Hindi na dapat humantong sa ganyan," sabi niya.

Kuwento niya, may emergency physician siyang kaibigan sa isang ospital sa Metro Manila na nagsabing dalawang batang may tigdas ang nadalang dead on arrival na sa pagamutan nito lang Biyernes.

"Dead on arrival kahapon, siguro 'yung mga bata umabot na sa may rashes na inuubo, nahirapan huminga," sabi niya. 

Kasama ang Metro Manila sa mga lugar kung saan nagdeklara ng outbreak ng tigdas ang Department of Health (DOH).

Nakapagtala na ang DOH ng 441 measles cases at 5 pagkamatay ng may tigdas sa Metro Manila mula noong Enero. 

"Abiso namin, kapag ang anak niya sinisipon, inuubo at mapula ang mata-- 'yun ang kakaiba sa measles--- sa simula parang may sore eyes 'yung bata, dalhin niyo na sa health center. 'Wag na kayong maghintay kasi malapit nang lumabas ang rashes nun, 'wag na nating antaying hindi makahinga 'yung bata," paliwanag ni Mercado.

Ang tigdas ay maaring mauwi rin sa pagkakaroon ng pneumonia. Posible rin itong kumalat sa utak o 'yung tinatawag na measles encephalitis.

"Nagkakaroon ng seizure. 'Wag na po nating hintayin 'yun. Sinasabi ko lang hindi para takutin ang mga tao pero dapat maintindihan ng lahat na itong sakit na ito ay nakamamatay," ani Mercado.

Dagdag pa niya na mabilis na makahawa ang sakit dahil nabubuhay ang mikrobyo sa hangin ng hanggang dalawang oras.

"Kunyari umubo ka, umalis ka, nandoon pa rin 'yun. It can live in the air for 2 hours. Mayroon din direct contact," saad niya.

Sa kabila ng nakababahalang sitwasyon, may solusyon naman aniya ito.

"Ang magandang balita, mayroon po tayong bakuna at ang pamahalaan ay naglabas na ng bakuna sa lahat ng health centers. Dalhin niyo na ang mga bata sa health center," aniya.

Ikinuwento rin niya ang nabalitaan mula naman sa isa pang kaibigan na mahaba na ang pila sa mga health center dahil marami nang mga magulang ang nagpapabakuna ngayon ng kanilang mga anak.

"Mahaba ang mga pila sa mga health center dito sa Metro Manila at mukhang nagising na tayong lahat at kailangang responsibilidad na ng mga tao sa ating lipunan na kung mayroon tayong nalalaman na pamilya sa ating paligid, kasama natin sa bahay, kapitbahay, na may mga batang maliliit, i-encourage po natin sila na magpabakuna. Ito po ay ligtas," paghikayat niya.

Samantala, nananawagan din sila sa mga nurse at doktor na gustong maging volunteer sa Red Cross.

"We need volunteers kasi kailangan dito suyurin na kada barangay, kada lugar may mga chapter po ang Red Cross all over the country, tutulong sila sa Department of Health. This is the time for us to roll up our sleeves and get it done," sabi niya.

Matatandaang bumaba ang immunization coverage sa bansa sa 40 porsiyento noong 2018 mula sa average na 70 percent ng mga nakaraang taon dahil sa vaccine scare na nag-ugat sa kontrobersiya ukol sa Dengvaxia vaccine. 

Itinigil ng gobyerno ang nationwide anti-dengue immunization program noong 2017 matapos magbabala ang drug maker Sanofi Pasteur na maaring magdulot ng mas malalang sintomas ng dengue ang Dengvaxia kung iturok sa hindi pa nagkakaroon ng dengue. 

Ilang pagkamatay ang isinisi sa gamot, pero hindi pa napapatunayan kung ang Dengvaxia nga ang ugat nito, ayon sa ilang eksperto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.