P50 milyong halaga ng droga nasamsam sa Mandaue

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 02:24 AM | Updated as of Feb 09 2019 08:11 AM

Nasabat ang 7 kilo ng hinihinalang shabu mula sa isang suspek sa Mandaue City, Cebu nitong Biyernes.

MANDAUE CITY, Cebu - Nasamsam ang halos P50 milyong halaga ng droga sa ikinasang buy-bust operation sa Mandaue City nitong Biyernes ng gabi.

Nakuha ang mahigit 7 kilo ng hinihinalang shabu mula sa isang alyas Bado, ayon kay Senior Supt. Remus Medina, hepe ng Police Regional Office-7 Intelligence Division.

Unang naka-transaksyon ng pulisya ang suspek sa Cebu City, kung saan binilhan ito ng 25 gramo ng droga. Nang ipa-kilo ng poseur buyer ang droga, dinala ng suspek ang awtoridad sa isang bahay sa Mandaue City.

"Doon na tumambad ang kilo kilong shabu. Masasabi nating courier lang siya," ani Medina.

Dagdag niya, masasabing isang bodega ng shabu ang nasabing bahay, kung saan narekober ang mga syringes, malalaking plastic na lagayan ng shabu at notebook na naglalaman ng records sa kilo kilong shabu na na-dispose sa ilang area ng Cebu City at Mandaue City.

Umamin ang suspek na inutusan lang siyang magdala ng droga kapalit ang P5,000 na pera. 

Dagdag niya, may kukuha lang nito sa kanya. Hindi niya sinabi kung sino ang kaniyang kilala sa loob ng bahay pero isang Gaw umano ang nag-utos sa kaniya.

Maliban sa nahuli, kinumpirma ng pulisya na may tatlo pa silang tinutugis na sinabing nakatakas sa loob ng bahay nang mangyari ang operasyon. 

Inaalam pa ng pulisya kung kanino nakapangalan ang bahay.

Itinuturing ng PRO-7 na ito ang pinakamalaki nilang operasyon ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.