Opisyal ng Valencia City patay sa pamamaril

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 11:03 AM

Tinambangan ang biktima habang inihahatid niya ang asawa sa trabaho sa Valencia City, Bukidnon. Larawan mula kay Randie Makiputin

P1-M pabuya inilaan para sa ikadarakip ng mga salarin

VALENCIA CITY, Bukidnon - Patay sa pamamaril ang supervisor ng City Economic Enterprise Office ng Valencia City, Biyernes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng pulis, sakay ng pickup si Ariel Cabingas at huminto sa T.N. Pepito Street para ihatid sa trabaho ang misis nang biglang tumigil sa tapat nito ang isang motorsiklo na lulan ang dalawang lalaki.

"Dalawang beses na nagpaputok ng baril ang lalaking angkas ng motorsiklo. Binuksan pa niya ang pintuan ng sasakyan at patuloy na pinagbabaril ang biktima," sabi ni Supt. Ritchie Yandug, hepe ng Valencia City Police Station.

Agad na tumakas ang mga salarin habang dead on arrival naman sa pagamutan ang biktima.
 
Magbibigay ng P1-milyong pabuya ang lokal na pamahalaan sa kung sino man ang makapagbibigay ng impormasyon sa responsable sa pamamaril.

"We are extending all our help to the ongoing PNP investigation to ensure that the perpetrators of this dastardly murder will be identified, prosecuted and convicted," sabi sa inilabas na pahayag ni Valencia City Mayor Azucena Huervas.

"May natanggap kami na impormasyon na dati pang nakakatanggap ng death threat si Cabingas. Pinakamalapit na motibo sa pamamaril na tinitingnan namin ngayon ay may kaugnayan sa trabaho," dagdag ni Yandug.

Binuo na ng pulisya ang Task Force Ariel Cabingas para mapabilis ang imbestigasyon sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.