Most wanted ng QC naaresto sa Leyte makalipas ang 7 taon

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 02:24 PM

Matapos ang pitong taong pagtatago, nahuli nitong Huwebes ang number one most wanted personality ng Quezon City sa Baybay City, Leyte, ayon sa pulisya.

Kinilala ang suspek na si Edgardo Flores, na sangkot umano sa pananaksak kay Ariel Bermudez o alyas "Budang" noong 2012 sa Barangay Bahay Toro, Project 8, Quezon City. 

Noong May 11, 2012, may nakaalitan ang anak ni Flores. Umawat rito si Bermudez pero sumulpot si Flores at saka siya sinaksak umano sa likuran. 

Tumakas umano si Flores mula noon at nagtago sa Leyte.

Matapos ang serye ng intelligence gathering at surveillance, tuluyang natunton sa Baybay City ang suspek at doon na naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group mula Eastern Metro Manila at Region 8 at Quezon City Police District madaling araw noong Pebrero 7.

Nahaharap sa kasong murder ang suspek. 

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.