Babaeng Chinese, arestado matapos sabuyan ng taho ang pulis sa MRT

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 05:58 PM

Napuno ng taho ang uniporme ng isang pulis matapos niyang sitahin ang isang banyaga sa tangkang pagpapasok nito ng likido sa istasyon ng tren nitong Sabado.

Si PO1 William Cristobal ng Philippine National Police Regional Mobile Force Battalion ay nakadestino sa MRT-Boni station nang makaharap niya ang Chinese national na si Jiale Zhang, 23, bandang alas-8 ng umaga.

Kuwento ni Cristobal, tangkang papasok si Zhang sa tren bitbit ang kaniyang taho, na ipinagbabawal dahil sa umiiral na liquid ban sa mga tren.

Pero imbes na ubusin ang taho, halos magwala daw ang foreigner at sinabing nakapagpasok na ng inumin ang iba sa mga nakaraang pagkakataon.

"Halos magwala na siya dahil ang inaano niya, bakit iyong iba, nung other days, ina-allow naman daw. Eh sabi ko, ilang araw pa lang 'yang memorandum na 'yan," paliwanag ni Cristobal, na 10 taon na sa serbisyo.

Nagulat na lang daw ang pulis nang ihagis sa kaniya ni Zhang ang taho.

Agad dinampot si Zhang at dinala sa istasyon ng pulis. Humingi daw ito ng tawad pero sabi ni Cristobal, kailangan nitong pagbayaran ang pambabastos na ginawa.

"Kailangan niya rin pong harapin iyong consequences ng pambabastos po sa atin... Nandito ako sa sarili kong lugar at ginanun ako ng foreigner," hinaing ng pulis.

Halos wala namang imik si Zhang pero bago kuhanan ng mugshot at ipasok sa kulungan, nagbigay siya ng maikling mensahe sa pulisya.

"I'm sorry. I'm just really really sorry," sabi niya.

Nanawagan naman si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar sa publiko na sundin ang mas pinaigting na polisiya sa railway systems.

"Itong ating security is a shared responsibility. Ginagawa namin ito hindi para kayo bigyan ng inconvenience kundi para bigyan ng proteksyon ang lahat," aniya.

Nakakulong na ngayon si Zhang sa istasyon ng Mandaluyong police.

Mahaharap siya sa patong-patong na kasong direct assault, disobedience to a person in authority, at unjust
vexation.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.