PatrolPH

6 huli sa drug session sa QC

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 09:47 AM

MAYNILA – Anim na suspek, kabilang ang isang menor de edad, ang naaresto sa isang anti-drug operation ng Talipapa Police Station sa Quezon City, Sabado ng madaling araw.

Isang 16-anyos na dalagita na umano'y drug runner ang naaresto kasama ang kaniyang ama at ina sa operasyon sa Pantranco Compound sa Barangay Pasong Tamo. 

Ayon kay Barangay Executive Officer Nestor Del Rosario, pinuntahan nila ang magkakatabing bahay matapos magsumbong sa kaniya ang isang tricycle driver tungkol sa nagaganap na drug session. 

Naaktuhan umano na gumagamit sa isang bahay sina alyas Jayson, 35, kinakasamang si alyas Mary Grace, 37, at kaibigang si alyas Jhocy, 41.

Nasa kuwarto naman ng ibang bahay ang ama ng dalagita na si alyas Erasto, 41. 

Hinuli rin ang kinakasama niyang si alyas Melinda, 36, dahil sa pagpapatakbo umano ng drug den. Ayon sa barangay, nahuli na rin siya sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga noong 2018. 

Naabutan sa labas ng bahay ang 16-anyos na si alyas Samsam, na nakuhanan ng sachet ng hinihinalang shabu sa kaniyang bag. 

Napag-alamang nagdadala umano ng droga ang dalagita sa Caloocan City para may maipambili ng gatas para sa 2-taong gulang nitong anak. 

Pero ikinagulat nina Erasto at Melinda ang ilegal na gawain ni Samsam. Sabi ni Erasto, bagama't gumagamit siya ng droga, hindi niya ito ipinapakita sa dalagita at sa 5-taong-gulang na kapatid nito. 

"Malihim kasi iyong anak kong iyon. Magalit man ako sa kaniya, andiyan na 'yan," sabi ni Erasto. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.