Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, ibinebenta ang mga droga sa iba't ibang high-end bar sa Quezon City at Taguig. Kuha ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
MAYNILA - Apat ang arestado matapos mahulihan ng party drugs sa ikinasang buy-bust operation sa isang high-end condominium unit sa Poblacion, Makati City gabi ng Biyernes.
Natagpuan ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P2.8 milyong halaga ng iba't ibang uri ng droga tulad ng mga party drugs, liquid extract, cocaine, at kush.
Ipinresenta ang mga suspek nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa PDEA agent na si Winifredo Alagabia, binabanggit online ang bentahan ng droga na ibinabagsak sa mga high-end bar sa Timog sa Quezon City at Bonifacio Global City sa Taguig.
Kinukuha din umano online ang mga droga.
Napag-alaman din na itinuturo ang grupo bilang isa sa pangunahing supplier ng party drugs sa Metro Manila.
Nakatakdang sampahan ang apat na suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa pag-iingat at pagbebenta ng ilegal na droga.
-- Ulat nina Henry Atuelan at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, balita, war on drugs, droga, krimen, party drugs, Makati