3 lalaki nagnakaw umano ng paninda sa grocery sa Nueva Vizcaya

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2019 05:23 PM | Updated as of Feb 09 2019 08:02 PM

Watch more in iWantTFC

Pinaghahanap ngayon ang tatlong lalaking nangnakaw umano ng mga paninda sa isang grocery store sa Bambang, Nueva Vizcaya noong nakaraang linggo.

Base sa kuha ng CCTV noong Pebrero 2, tinangay ng isang lalaking nakapulang sombrero ang kahon ng grocery items na pinamili ng isang kustomer.

Nang makatiyempo muli, sunod nitong binitbit ang isang lata ng mantika.

Nagsilbing lookout umano ang dalawang lalaking kasama nito, na nakasombrero at backpack.

Inilagay ng mga lalaki ang kanilang mga ninakaw sa iisang traysikel sa likod ng mga nakaparadang jeep.

Aminado ang may-ari ng tindahan na si Rogelio Ramos na abala sila noong araw na iyon.

"Busy kasi kami dito 'pag market day. Maraming tao talaga rito," aniya.

Ayon kay Senior Inspector Samuel Lopez, chief of police ng PNP Bambang, hindi nila isinasantabi na maaaring ibenta ng mga suspek sa mga maliliit na tindahan ang mga nakaw na paninda.

Pinayuhan ng pulisya ang may-ari ng grocery na magtalaga ng guwardiya at bantay sa monitor ng kanilang CCTV.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.