SAPUL SA VIDEO: Pulis, naaktuhang natutulog sa trabaho

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 05:00 AM | Updated as of Sep 02 2018 05:05 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinibak sa puwesto ang 2 pulis matapos maaktuhang natutulog habang naka-duty Biyernes ng madaling araw.

Ito ay matapos magsagawa na naman ng surprise inspection si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde.

Pangalawang beses na itong ginawa ni Albayalde kung saan 18 pulis, kabilang ang 2 hepe, ang tinanggal na sa kanilang puwesto nitong Miyerkoles matapos maabutang nag-iinuman at natutulog.

Muling nag-ikot si Albayalde Biyernes ng madaling araw at nahuling natutulog ang 1 pulis sa Police Community Precinct 1 ng Station 9 ng Quezon City Police District.

Naabutan din ni NCRPO chief ang 1 pulis sa Barugo Police Station sa Caloocan City na natutulog.

Iimbestigahan naman ang mga commander at personnel ng 2 istasyon ukol sa insidente.

Nagbunga din ang pag-iikot ni Albayalde dahil nagkaroon ng simulation exercise ang isang istasyon sa Marikina.

Tumawag ito sa istasyon at nagpanggap na magpaparesponde ng pulis dahil sa isang alarma sa armed robbery.

Inabot ng 7 minuto bago dumating ang mga pulis. Dapat nasa 5 minuto ang ideyal na response time sa mga emergency, ayon kay Albayalde.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinabi ni Albayalde sa DZMM na ginagawa niya ang surprise inspection matapos na makatanggap ng reklamo sa ilang istasyon sa Metro Manila.

"Paulit-ulit na nating pinakiusapan ang ating mga kapulisan na itigil na 'yung pag-te-text while on duty, 'yung tamang bihis, 'yung pagtulog sa kanilang mga istasyon, ngunit marami pa po tayong nakukuhang complaints sa ating kababayan," aniya.

Paliwanag din ni Albayalde na ginagawa niya ito para masiguro ang operational readiness ng mga kapulisan.

"Lalong-lalo na po kapag madaling araw o gabi o critical hours ng madaling araw, diyan madalas nangyayari ang holdapan," aniya.

Sa pag-iikot niya nitong Biyernes, nakita rin ni Albayalde ang ilang quick reaction unit na natutulog sa kanilang mga istasyon.

"Mukhang hindi po nila alam kung ano talaga ang duties nila," aniya.

Balik sa regional holding and accounting unit sa NCRPO ang mga dawit na pulis. 

Mahaharap sila sa kasong administratibo at pwedeng masuspende kapag mapatunayang nagkamali.

"'Pag ikaw ay nasuspende kahit na 1 araw lang, tanggal po ang iyong bonus sa buong taon," dagdag ni Albayalde.

Pinapamadali na ng NCRPO chief ang imbestigasyon sa mga dawit na pulis na umaabot noon ng 4 na buwan.

"Ngayon, pinapamadali na natin. Aabot nalang ng 1 to 2 months," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.