Pinay na namatay sa lindol sa Taiwan, nadaganan ng cabinet - MECO

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 09:28 AM | Updated as of Sep 02 2018 07:54 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Hindi nakaligtas sa lindol sa Taiwan ang isang 28-anyos na overseas Filipino worker matapos itong madaganan ng malaking kabinet, ayon sa hepe ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taipei, Biyernes.

Nakuha ang katawan ng caregiver na si Melody Castro sa loob ng apartment ng pinagtratrabahuhan niya 2 araw matapos ang magnitude 6.4 na lindol.

"Nadaganan siya ng mabigat na cabinet. Parang bumagsak 'yung cabinet kaya hindi siya nakatakbo palabas ng building," ani Lito Banayo, chairperson ng MECO-Taiwan, sa isang panayam sa DZMM.

Nakipag-ugnayan na ang MECO sa pamilya ni Castro sa Cagayan, ngunit hindi pa nakakapagdesisyon ang ama at ina ni Melody kung nais nila lumipad papuntang Taiwan upang personal na makita ang bangkay ng anak bago iuwi sa Pilipinas, sabi ni Banayo.

"May 5-year old siyang (Melody) anak na babae. Tapos 'yung asawa disabled dahil naaksidente. Siya ang tumatayong nag-iisang breadwinner," dagdag ni Banayo.

Siniguro naman ni Banayo na magpapadala ang gobyerno ng ayuda para sa pamilya ni Castro.

Halos 6 taon nang natatrabaho bilang kasambahay at caregiver sa Taiwan si Castro.

Tinatayang 1,400 na OFW ang nagtratrabaho sa bayan ng Hualien kung saan tumama ang lindol. Nasa 143,000 naman ang kabuuang bilang ng OFW na nagtratrabaho sa Taiwan.

Bukod kay Castro, wala pang ibang Pilipino ang naitalang nasaktan dahil sa lindol, ani Banayo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.