Mga taga-Cordillera, biktima umano ng mga illegal recruiter; P1.3 milyon natangay

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 05:35 PM | Updated as of Sep 04 2018 07:22 AM

BAGUIO CITY - Tinangay umano ng mga pinaghihinalaang illegal recruiter ang halos P1.3 milyon mula sa 16 na mga taga-Cordillera na nag-apply ng trabaho sa ibang bansa. 

Sa hirap ng buhay, pinangarap nina "Pia" at "Karla," di nila tunay na mga pangalan, na makapag-abroad.

"Para po sana sa pamilya at gagamitin sa bahay," ani Pia.

"Sa mga anak namin, sa pamilya namin pero naibigay na namin 'yung pera so 'yung file na ginawa namin sana magbigay-aral rin po sa mga gustong mag-abroad at gustong mag-apply," ani Karla.

January 2017 nang makausap nina Pia at Karla ang dalawang babaeng taga-Maynila na nagpakilalang mga empleyado ng Uniplan Overseas Employment Philippines. Pinangakuan daw sila ng trabaho sa dairy farm sa Japan kasama ang 14 pa na taga-Cordillera.

Nasa P73,000 ang ipinangakong sahod sa kanila kada buwan. Pinagbayad ang mga biktima ng processing fee na P60,000.

Matapos ang 3 buwan, nagkaroon daw ng problema sa Japan kaya ililipat raw sila ng ahente sa Australia bilang housekeeper na nasa P160,000 ang sahod kada buwan.

Pinagbayad sila ng karagdagang P20,000 para umano sa kanilang placement fee. 

Laking gulat nila nang mabalitaang nahuli sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Mandaluyong noong Enero 28 ang mga ahenteng kanilang kausap.

May mga taga-Maynila rin na nagsampa ng reklamo laban sa kanila. Sa pahayag ng UNIPLAN, sinabi nilang walang kaugnayan sa kanila ang mga suspek.

Nakakulong na ang mga suspek sa Mandaluyong City Jail at nahaharap sa reklamong large scale estafa at illegal recruitment.

Kahapon, nagsampa na rin ng reklamo ang 16 na mga taga-Cordillera. Nakokonsensiya naman si alyas Anne dahil naimpluwensyahan raw niya ang ilan sa mga nag-apply

"May nakilala akong nagre-recruit ng Japan, nag-a-apply rin sila, 'yun 'yung burden ko dito, 'yung hirap nung mga taong ito na nag-a-apply na sumunod sa akin na naghihirap na ngayon," ani Anne.

Pero ayon sa ilang biktima, idadawit rin nila sa reklamo si Anne.

"Nananawagan kami sa iba pang na-recruit na magtungo sa aming tanggapan sa CIDG Cordillera para maghain ng kanilang complaint para ifa-file natin sa fiscal," ani SPO3 Veronica Villareal.

Hiling ng 16 na biktima na maibalik ang gastos nila para magamit na pantustos sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.