Mga Pinoy na magsasaka, 'talo' sa pag-angkat ng bigas ng NFA: DA

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 08:14 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kinuwestiyon ng Department of Agriculture (DA) ang hiling ng National Food Authority (NFA) na mag-angkat ng 250,000 metriko toneladang bigas mula sa ibang bansa.

Ayon sa ahensiya, milyun-milyong metriko tonelada ang naka-stock na bigas mula sa mga Pilipinong magsasaka. 

Sa panahon ng tag-ani sa susunod na buwan, inaasahan ng DA na madadagdagan ng 3 milyong metriko toneladang bigas ang kabuuang rice stock sa bansa. 

Bukod pa ito sa higit 2 milyong metriko toneladang rice inventory sa kasalukuyan.

May sapat na bigas din umano sa merkado at pati sa mga household.

Nakiusap si DA Undersecretary Ariel Cayanan sa NFA na huwag isabay sa tag-ani ang pag-aangkat dahil sa posibleng epekto nito sa mga magsasaka.

"Dahil 'pag sinabay po natin sa harvest season ang dating po ng ating mga in-import, matatamaan po 'yung presyo ng mga magsasaka. Siguradong bababa," ani Cayanan.

Ngunit ayon sa NFA, target talaga nilang bumili ng 6 na milyong bags mula sa mga local farmer ngayong taon, pero 6 na libong bags pa lang ang kanilang nabibili.

Nasa P17 hanggang P18 kada kilo kung bumili ng palay ang NFA.

Talo umano sila sa mga private trader na bumibili ng hanggang P22 kada kilo.

Ayon pa sa NFA, dumadami na umano ang lugar sa bansa na nauubos na ang stock ng bigas.

Sa Palo, Leyte, wala nang NFA rice sa mga pampublikong palengke.

Ayon sa mga retailer, dalawang buwan nang walang supply na dumadating.

Sa Cotabato City, problema na sa city jail kung saan kukuha ng NFA rice na pinapakain sa mga inmate.

Sa Visayas naman, pansamantalang inihinto ng Department of Social Welfare and Development ang kanilang pagre-repack ng bigas na ipadadala sana sa mga biktima ng kalamidad, kabilang na ang mga apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon. 

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.