Lalaking nangakong gagawing modelo ang estudyante, timbog sa 'sextortion'

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 12:05 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang lalaking nanakot sa isang menor de edad na ikakalat umano ang mga hubad na larawan nito kung hindi sasama at makikipagtalik sa kaniya sa motel.

Nahuli nitong Miyerkoles ng Quezon City Police District (QCPD) Special Operations Unit ang suspek na si Jonathan Ygot sa isang motel, kasama ang biktimang si alyas "Karen."

Kuwento ni Karen, Hunyo 2017 pa lang ay nakipagkaibigan sa kaniya sa Facebook si Ygot.

Inalok siya ni Igot na pasukin ang pagmomodelo at hiningan ang dalagita ng mga hubad na larawan. 

"Malaki daw po 'yong perang makukuha ko 'pag pumasok ako sa modeling tapos doon niya na po ako inalok na mag-send ng hubad na larawan," kuwento ni Karen.

Noong Enero 2018, sa halip na pagmomodelo, iba ang inalok ng suspek. 

"'Pag nakipag-sex daw po ako sa kaniya, doon lang daw niya ide-delete picture[s] ko," ani Karen.

Gumawa pa ng dalawang account sa Facebook sa Ygot para magpanggap na ahente at photographer, na kumausap sa biktima.

Ayon kay Inspector Pacifico Gonzales, team leader ng Special Operations Unit, maraming babae ang nabiktima ng suspek.

Nahaharap sa kasong child abuse at Anti-Photo and Voyeurism Act si Ygot.

Payo ng QCPD, lalo sa mga kabataan at kababaihan, huwag matakot na isumbong sa kanila ang anumang pang-aabuso sa numerong (02) 436-72-11.

"Hindi safe na mag-upload ng pictures na alam mong pang-private lang," ani Senior Inspector Djoanna Santos ng QCPD Women and Children's Protection Desk.

-- Ulat ni Angelo Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.