Bilang ng mga pasahero ng MRT, bumaba

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 11:29 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kanya-kanya nang diskarte ang mga pasahero ng MRT-3 para makahanap ng ibang masasakyan.
    
Hindi pa kasi naitataas ang bilang ng mga tumatakbong tren kaya pahirapan pa rin ang pagsakay at pila.

Base sa arawang tala ng MRT simula Enero, bumaba sa 8 mula 10 ang average na bilang ng tumatakbong tren. 

Pababa rin ang bilang ng mga pasahero dahil hindi na umakyat sa higit 300,000 ang naisasakay pagsapit ng Pebrero.

Nasa 20 tren na makapagsasakay ng 550,000 passengers ang maximum capacity ng MRT. 

Pero kahit mismo ang MRT management, hindi rin sigurado kung sa mga susunod na araw ay maitataaas na ang bilang ng tren.

Ang gobyerno na mismo ang nagsasabi na mag-bus ang mga nakapila. Kung may budget naman, maaaring mag-taxi, Uber o Grab, o dumiskarte sa LRT. 

Nasa P15 lang ang pasahe sa pa-bus ng gobyerno, habang umaabot sa P300 hanggang P400 ang pasahe sa taxi o TNVS, depende sa oras.
    
Nasa P30 hanggang P45 naman ang pasahe sa ordinaryong bus.
    
Kapag papuntang Ayala, puwedeng sumakay sa LRT-1 Roosevelt, imbes na MRT, mula Quezon City. 

Sa mga papuntang Cubao, maaaring sumakay sa LRT-1 hanggang sa Doroteo Jose station at lumipat sa LRT-2.

Parating na umano ang mga spare parts na binili ng gobyerno, kaya konting pasensiya pa ang hiling ng MRT management.
    
--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.