'Bangkay ng Pinay sa Kuwait, 2016 pa nakasilid sa freezer'

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 11:37 PM | Updated as of Sep 05 2018 05:18 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagulantang ang lahat sa Kuwait nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang bangkay sa loob ng freezer noong Martes. 

Matapos ang pagsusuri, kinilala ang bangkay na si Joanna Daniela Demafelis, isang Filipino household service worker na tubong Iloilo.

Dumating si Demafelis sa Kuwait noong Mayo 2014 at nagtrabaho bilang kasambahay ng isang Lebanese at asawa nitong Syrian.

Ayon kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Pedro Villa, base sa imbestigasyon ng pulisya, Nobyembre 2016 pa tumakas ang mag-asawa kaya ganoon na rin katagal na nasa freezer ang bangkay ni Demafelis.

Nabuksan lang ang bahay ng mag-asawa sa pamamagitan ng isang court order dahil marami na palang tumalbog na tseke ang Lebanese.

Nasa Criminal Evidence Department na ang mga labi ni Demafelis para matukoy kung paano siya napatay pero hindi pa masimulan ang pagsusuri dahil sa tagal ng panahon ng pagkakalagak ng bangkay sa freezer.

Hindi makapaniwala ang kaibigan ng biktima na si alyas "Remy" sa sinapit ni Demafelis.

Kuwento niya, dati nang nagsabi sa kaniya si Demafelis na hindi maganda ang trato sa kanya ng mga amo.

Humingi na ng tulong ang Kuwaiti authorities sa Interpol para mahuli ang mag-asawang suspek.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang deployment suspension sa Kuwait sa mga newly-hired habang iniimbestigahan ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga overseas Filipino worker sa bansa.

Nakatakda naman ang joint bilateral talks ng Kuwait at Pilipinas na gaganapin sa Kuwait.

--Ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.