Bangkay ng Pinay na natagpuan sa freezer sa Kuwait, kilala na

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 03:37 PM | Updated as of Sep 03 2018 10:00 PM

Joanna Daniela Demafelis. Zen Hernandez, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Kilala na ang bangkay ng Pilipinang natagpuang nakasilid sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Isa umanong Joanna Daniela Demafelis, 29, at tubong Iloilo ang biktima.

Nakaupo at nakahalukipkip ang mga kamay umano ni Demafelis nang matagpuan ng mga awtoridad ang kaniyang katawan.

Nakuha ang kaniyang bangkay sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa Kuwait noong Martes.

Nasa kustodiya na ng Kuwait Criminal Evidence Department ang bangkay para sa awtopsiya. May mga senyales din umano sa bangkay ng Pilipina na pinahirapan siya at sinakal hanggang sa namatay.

Batay sa tala ng Philippine Overseas Labor Office, pinadala sa Kuwait si Demafelis noong May 18, 2014.

Lumabas din umano sa paunang imbestigasyon na isang Lebanese na may asawang Syrian at kasambahay na Pilipina ang dating nakatira sa apartment.

Umalis na umano ang mag-asawa sa Kuwait noong taong 2016 pa. Pinaghahanap din ng mga awtoridad ang lalaking Lebanese dahil sa mga kasong kaugnay ng mga tumalbog na tseke.

Sa isang panayam ng ABS-CBN News sa isang Pilipina na nakatira rin sa apartment kung saan nakuha ang bangkay ni Demafelis, minaltrato umano ang biktima ng kaniyang mga amo.

Huli raw niya itong nakita noong Setyembre 2016.

"Last kami nagkausap September 2016 doon sa may bintana tapos nong bumaba siya, nakita ko siya doon banda, tapos tinanong ko siya kumusta siya, sabi niya sa akin hindi daw maganda, kasi ang daw amo niya sinasaktan siya, delayed ang sahod," aniya.

Inalok pa raw niya si Demafelis na ihahatid sa embahada ng Pilipinas ngunit takot daw ito sa amo niya.

"Sabi ko sa kaniya, aalis ka na lang diyan or ihatid kita sa embassy pero hindi siya pumayag kasi takot siya sa amo niya," aniya.

Nauna nang sinabi ni Renato Pedro Villa, ambassador ng Pilipinas sa Kuwait, na nakikipagtulungan na ang mga awtoridad sa Interpol upang mahanap ang suspek.

Matatandaang sinuspende ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa Kuwait dahil sa pagkamatay ng ilang migrante dito. 

Nagbabala rin ang Pangulong Rodrigo Duterte na pauuwiin lahat ng OFWs sa Kuwait kung may mamamatay pang Pilipino dito. 

Nakatakda naman umanong mag-usap ang mga opisyal ng Pilipinas at Kuwait ngayong buwan ayon kay Villa.

"Matutuloy iyong pag-uusap ng Kuwait at Pilipinas... palagay ko matutuloy ngayong February 19 and 20 at isa ngang pag-uusapan 'yong naka-pending na agreement on the deployment of Filipino domestic workers to Kuwait," aniya.

May 600,000 libong domestic helpers sa Kuwait, karamihan ay mula sa mga bansa sa Asya, kabilang na ang Pilipinas. 


-- may ulat nina Maxxy Santiago at Zen Hernandez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.