ALAMIN: Parusa sa pagtangkilik sa 'child porn'

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 07:15 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maaaring makulong nang hindi bababa sa 20 taon o masentensiyahan ng reclusion perpetua ang isang taong mahuhuling nagmamay-ari o nagpapakalat ng mahahalay na video o larawan ng mga bata.

Lumabas ito sa talakayan sa programang "Usapang de Campanilla" nitong Huwebes tungkol sa Anti-Child Pornography Act of 2009 o ang batas na nagbabawal sa mga mahahalay na video ng mga menor de edad.

Ayon kay Atty. Noel del Prado, sakop ng nasabing batas maski ang mga taong may "mere possession" o pagmamay-ari ng isang video o larawan sa cellphone o computer.

Mas mabigat pa umano ang parusa kung tatlo o higit pang malalaswang video ang nahuli, ayon kay Del Prado.

"Kung nahulihan ka sa possession mo ng three or more articles of the same kind, ibig sabihin three pictures o three video, meron ng presumption ng intent to distribute," ani Del Prado.

Puwede rin umano maparusahan ang mga taong nang-eengganyo ng mga menor de edad na sumabak sa mahahalay na gawain.

"'Yung isang halimbawa dito 'yung grooming, halimbawa, 'yung anak mo na below 18, meron nagpadala sa kanya ng isang picture na child pornography. Ibig sabihin kinokondisyon niya 'yung isipan ng bata na ito ay normal," sinabi ni Del Prado.

Maaari din umanong makulong at pagmultahin ang mga magulang kung sila mismo ang nanghikayat sa kanilang anak na sumabak sa malalaswang aktibidad.