2 senador, umalma sa pag-aming diktador ni Duterte

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 01:35 PM | Updated as of Feb 09 2018 01:48 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dalawang senador ang umalma sa pag-amin ng Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan niyang maging isang diktador para sa ikabubuti ng bansa.

Ayon kay Senador Antonio Trillanes IV, hindi epektibo ang istilong ito ni Duterte sa loob ng dalawang taong niyang pamumuno.

"Ginulo lang n'ya ang Pilipinas, pinatay ang mga mahihirap, pinahirap ang buhay ng mga Pilipino at giniba ang mga democratic institutions," pahayag ni Trillanes.

Para kay Senador Bam Aquino, hindi kailangan ng Pilipino ang isang diktador.

"Hindi diktador ang kailangan. Sa halip ay pinunong may kakayahan at tunay na malasakit sa buong bayan, lalo na para sa mahihirap nating kababayan," sabi ni Aquino.

Paalala din niya na resulta ng diktadurya ang karahasan at pagpatay, kawalan ng trabaho at kalayaan, kurapsyon at napakalaking pagkakautang.

"Lumaban ang bayan noong People Power dahil hindi dictatorial style ang dudulot ng sapat na kita para sa bilihin, kalidad na edukasyon, at kaligtasan ng pamilya na inaasam-asam ng mga Pilipino," ani Aquino. 

Sa isang talumpati, inamin ni Duterte na isa siyang "diktador" dahil ito ang kailangan upang magkaroon ng pagbabago sa bansa. 

“If you say dictator, I will be dictator. Because if I will not be a dictator, nothing will happen to this country,” sinabi ni Duterte sa Bisaya sa talumpati niya sa harap ng mga dating rebelde sa MalacaƱang.

Taliwas ito sa naunang pahayag ng pangulo na wala siyang planong maging diktador tulad ng dating pangulong Ferdinand Marcos.

Inatasan pa niya ang militar na barilin siya sakaling lumampas siya sa kanyang termino at maging isang diktador.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.