Pamangkin umano ni Dureza, timbog sa shabu sa Davao

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2017 12:47 AM

DAVAO CITY - Naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang pamangkin umano ni presidential peace adviser Jesus Dureza sa isang operasyon kontra ilegal na droga sa siyudad ng Davao nitong Huwebes.

Ayon sa mga otoridad, nagsagawa sila ng isang buy-bust operation sa bahay mismo ni John Paul Dureza sa may Catalunan Pequeño, Davao City, kung saan ito nahuli kasama ng isa pang suspek na kinilalang si Jose Anthony Huilar.

Aabot sa halos 15 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride o “shabu” ang nakuha kina John Paul at Huilar, ayon sa PDEA. Aabot sa P225,000 ang halaga ng nakumpiskang droga.

Nakuha rin mula sa mga suspek ang isang riple at 117 bala.

Ayon kay PDEA Director Adzhar Albani, matagal nang nasa drug watchlist si John Paul, at ngayon lang nila ito nahuli. 

“Kasama siya sa validated watchlist namin, then tina-trabahao namin nang matagal. Other cohorts niya nahuli na, so mga prominent family ang binibigyan nya ng droga,” ani Albani.

Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang suspek.