PatrolPH

Van bumaliktad sa Benguet, 11 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2023 10:37 PM

Kuha ng RPIO Police Regional Office Cordillera
Kuha ng RPIO Police Regional Office Cordillera

Bumaliktad ang isang van sa Bokod, Benguet ngayong Miyerkoles ng umaga, kung saan 11 ang naitalang sugatan.

Ayon sa Bokod Police, binabaybay ng van ang national highway sa Sitio Taal, Bangao, Barangay Ambuklao nang biglang mawalan umano ng preno saka bumangga sa kaliwang bahagi ng kalsada dahilan para ito'y bumaliktad.

Lulan ng van ang 11 indibidwal na taga-Cauayan City, Isabela. Nagtamo sila ng minor injuries. Dinala sila sa Dennis Molintas District Hospital sa Barangay Daclan, Bokod, Benguet para magamot.

Hindi naman nasugatan ang driver ng van, ayon sa pulisya.

Nagdulot ito ng pagbigat trapiko sa lugar, bagaman naayos naman pagkaraan ng ilang oras. Rumisponde ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection Bokod para alisin sa kalsada ang tumagas na langis mula sa bumaliktad na van. — Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.