Pinasalamatan ng ambassador ng Turkey sa Pilipinas ang mga Pinoy na bumubuo sa mga grupong tutulong sa paghahanap ng mga survivor at pagtulong sa nasalanta ng lindol sa Turkey.
Personal na pinuntahan ni Turkish ambassador Niyazi Akyol ang higit-80 miyembro ng Philippine contingent sa NAIA Terminal 3 bago sila lumipad patungong Turkey ngayong Miyerkoles ng gabi.
Sabi ni Akyol, malaking tulong sa pinagdadaanan ng bansa nila ngayon ang anumang tulong na maibibigay ng lahat ng mga bansa
Kinilala niya ang 7-dekadang ugnayan ng Pilipinas sa Turkey at inalala ang pagpadala rin ng bansa ng mga rescuer at aid worker dito sa Pilipinas noong 2013 dahil sa Bagyong Yolanda.
Nagpasalamat din siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mabilis aniyang pagtugon sa sitwasyon sa Turkey.
Nakahanda sa 3-linggong deployment sa Turkey ang Philippine contingent, na binubuo ng mga kinatawan mula sa Philippine Army at Air Force, Office of Civil Defense, Philippine Emergency Medical Assistance Team ng Department of Health, MMDA, at Subic Bay Metropolitan Authority.
Namahagi ang OCD ng mga kumot sa mga miyembro ng contingent bilang tulong sa kahaharaping lamig.
Ayon sa mga pupunta, nakahanda sila sa haharaping hamon at nakatakdang manatili doon hanggang 21 araw at posibleng palitan ng ibang tao doon kung tumagal pa.
Pasado alas-10 ng gabi ang kanilang paglipad sa pamamagitan ng Turkish Airlines na sagot ng pamahalaan ng Turkey.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.