MAYNILA - Umaasa ang Filipino community sa Turkey na maililigtas ang dalawang Pinoy at tatlong anak na pinaniniwalaang na-trap sa kanilang gumuhong bahay sa Hatay Province.
Ayon kay Maricel Miguel, pinuno ng Filipino community sa Hatay Province, mula Martes ay ilang beses nilang binalikan ang gumuhong bahay ng mga naturang Pinoy at nakumpirma ang hinalang na-trap ang mga ito sa guho.
"Nadinig namin 'yung boses ng anak nu'ng kababayan natin. Pero very light kumbaga hinang-hina 'yung boses ng bata. Tapos kaninang madaling araw, kanina 1 hour ago lang, nagpunta kami du'n wala na," ani Miguel.
"Sobrang sakit po sa amin na hindi na po namin makita, saka hindi po namin ano, ayaw po naming tanggapin na ganu'n 'yung nangyari. Kung tutuusin tina-try pa rin po namin na kumuha ng tulong na makuha sila do'n. Sana mabuhay po sila, hindi ko po alam, hindi po namin alam," dagdag niya.
Ayon sa Turkish Disaster Agency, halos 6,000 gusali na ang pinabagsak ng magnitude 7.8 na lindol.
Dahil sa lindol, nagdeklara na ng 3 buwang state of emergency si Turkish president Recep Tayyup Erdogan sa 10 probinsiyang pinaka-napinsala ng lindol kabilang ang Hatay Province.
Ang iba namang Pinoy, iniinda ang matinding lamig sa shelter kahit naka-bonfire at nakatalukbong sa makapal na kumot.
Sa kabila nito, narating na sila ng ayudang pagkain mula sa Turkish government.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.