PatrolPH

5 suspek natunton dahil sa GPS ng ninakaw na cellphone

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2023 12:44 PM | Updated as of Feb 08 2023 01:14 PM

Arestado sa Cavite ang 5 holdaper matapos matunton ang kanilang lokasyon sa tulong ng GPS ng isa sa mga ninakaw umano nilang cellphone, ayon sa pulisya.

Ayon kay Capt. Edwin Goyena, hepe ng pulisya sa bayan ng Alaminos sa Laguna, dumulog sa kanilang himpilan ang mga biktima matapos holdapin ng mga suspek sa Barangay Sta. Rosa noong madaling araw ng Lunes.

Sa pamamagitan ng cellphone na kinuha ng mga suspek, na-monitor umano ang mga suspek at natunton sa Dasmariñas City.

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis mula Alaminos at Dasmariñas, at naaresto ang mga suspek.

Kasama sa mga natimbog ang 2 security guard na parehong taga-Calauag, Quezon at isa nilang kababayan, at 2 residente ng Dasmariñas.

Narekober umano sa mga suspek ang 2 cellphone, 2 motorsiklo, laruang baril at 2 patalim.

Nasa kustodiya ng Alaminos pulis ang mga suspek, na kinasuhan ng robbery at carnapping.

— Ulat ni Ronilo Dagos

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.