MAYNILA - Ibinahagi ng ilang batang edad 5 hanggang 11 ang kanilang naramdaman matapos magpabakuna kontra COVID-19, ngayong umarangkada na ang pagbabakuna sa nasabing age group.
"I feel nothing," sabi ni James Banales, nang tanungin kung may sumakit sa kaniya sa pagbabakuna.
Sabi naman ng kaniyang ina na si Julie Ann: "Gusto ko kasi maging protected sila laban sa COVID 19. At the same time ako as a health care worker, exposed ako. Pinoprotektahan ko sila, kasi love ko sila. Gusto ko at the same time willing din sila."
Ang 10 anyos na si Atasha Santos, nais nang makabalik sa face-to-face classes.
"Medyo masakit po pero ok lang. Medyo manhid. Gusto ko na pong makapasok sa school," ani Santos.
Ayon sa mga awtoridad, walang naitalang kaso ng malubhang side effects ang mga awtoridad sa unang araw ng COVID-19 vaccine rollout para sa mga batang edad 5 hanggang 11 anyos.
Nagkaroon lang ng isang 11 anyos na nagka-pantal sa braso matapos bakunahan noong Lunes, na agad din namang natugunan at naresolba.
"Based sa report na ibinigay sa akin, isang minor rashes (incident) lang ang na-report sa Parañaque and nothing else. Itong mga bakuna, reformulated ito, it is good for children," ani vaccine "czar" Carlito Galvez Jr.
Nasa 9,784 batang edad 5 hanggang 11 ang nabakunahan sa unang araw ng COVID-19 vaccine rollout para sa naturang age group.
Walang pilitan sa pagbabakuna, pero kung ayaw ng mga batang magpabakuna, payo ni Health Secretary Francisco Duque III: "Mato-traumatize pag pinilit mo eh. Let them be. If they can wait for 30 minutes. Show them that other children are being vaccinated, so visually, impact is mitigated. Sit down, while they see others being vaccinated, they start to be more confident."
Nadagdagan pa ng 8 pang sites ang nagbabakuna ng mga edad 5 hanggang 11 anyos, na sa ngayon ay ginagawa muna sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
Nakatakdang palawakin ng gobyerno nationwide ang COVID-19 vaccination ng mga edad 5 hanggang 11 anyos sa Pebrero 14.
-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.