Isa na ang namatay sa mga pasyenteng may United Kingdom (UK) variant ng COVID-19, sabi ngayong Lunes ng Department of Health (DOH).
Kinilala ang pasyente bilang isang 84 anyos na taga-La Trinidad, Benguet, na binawian ng buhay noong ikatlo o huling linggo ng Enero, ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
"Noong kausap natin 'yong regional office natin, they said this person never went out, seldom. Nandoon lang daw sa loob ng bahay at walang ibang contact," ani Vergeire.
Sa 25 kaso ng mas nakakahawa umanong UK variant sa Pilipinas, 22 na ang gumaling. Ibig sabihin, 2 na lang ang itinuturing na active case o kasalukuyang may sakit.
Dahil sa pagkaka-detect ng mga kaso ng UK variant sa La Trinidad, nagpasa ng ordinansa ang lokal na pamahalaan para sa mahigpit na pagpapatupad ng pagsuot ng face shield.
Nasa P500 ang multa sa first offense, P1,500 sa second offense at P2,500 sa third offense, sabi ni La Trinidad Mayor Romeo Salda.
Pinaiimbestigahan naman ni Benguet Governor Melchor Diclas kung may community transmission na ng variant, lalo't ilan sa mga nakitang may variant ay wala namang travel history.
Sa 8 nadagdag na kaso ng UK variant noong Biyernes, 3 ay mula sa Bontoc (Mountain Province), 2 mula La Trinidad, 2 ang returning overseas Filipinos, at isa ang tubong Liloan, Cebu.
Nilinaw naman ng DOH-Central Visayas na ang sinasabing kaso sa Liloan ay hindi naman doon na-detect.
Ang nasabing pasyente ay nasa Parañaque mula pa noong Nobyembre at hindi pa umuuwi ng Cebu.
"We'd like to apologize to the province of Cebu. Hindi tayo para mag-instigate nitong takot ngunit iyon lang po talaga ang ating regular o kasama doon sa pagre-report natin talaga because that's part of their case investigation form," ani Vergeire.
Samantala, inanunsiyo din ng DOH na muling tataas ang kapasidad ng Philippine Genome Center na magproseso ng samples para sa genome sequencing matapos dumating ang dagdag na supply ng reagents.
Ang genome sequencing ang prosesong tumutukoy sa variant ng virus na nagdudulot ng COVID-19 sa taong positibo rito.
Nitong Lunes, umabot na sa 538,995 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.
-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Covid-19, Covid-19 UK variant, Department of Health, UK variant, Cebu, Covid-19 pandemic, coronavirus Philippines update, TV Patrol, Raphael Bosano