PatrolPH

2 lalaki arestado sa pagnanakaw ng motorsiklo sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2021 03:00 PM

Watch more on iWantTFC

Dalawa ang arestado kaugnay sa insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Tondo, Maynila nitong Linggo, ayon sa pulisya.

Nakuhanan pa ng CCTV camera ng Barangay 61 ang pagtangay ng isang lalaki sa motorsiklo ng biktima — isang negosyante — sa harap ng isang warehouse sa Juan Luna Street.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek dahil dati pala itong empleyado ng biktima.

Agad naaresto sa kaniyang bahay ang suspek, na umaming ibinenta niya ang motorsiklo sa Quezon City sa halagang P13,000.

Nang puntahan ng mga pulis, binabaklas na ng isang lalaki ang motorsiklo, ayon kay Police Major Carlo Loñoso.

Pero nag-match umano ang engine number ng naturang motorsiklo sa hawak na mga dokumento ng biktima.

Ayon sa lalaking bumili ng motor, hindi niya alam na nakaw ito.

Hindi rin umano niya china-chop-chop ang motor at ugali lang daw niyang mag-restore ng mga nabibiling secondhand na motorsiklo, na ibina-buy and sell din niya.

Kakasuhan ang 2 lalaki ng paglabag sa Republic Act No. 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.