'Superheroes' naghatid ng saya sa mga taga-Taal

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 02:11 PM

Naghatid ng tulong at saya ang siyam na superhero cosplayers mula sa grupong My Superhero Friends Foundation sa mga kababayan sa Taal, Batangas. Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

TAAL, Batangas - Siyam na superhero cosplayers ang nagsanib-puwersa para magpasaya ng 300 residente ng Barangay Ilog sa bayan ng Taal, Batangas, Sabado ng umaga.

Kabilang sa mga residente ang mga pamilya na halos dalawang linggo ring tumira sa evacuation centers sa iba’t ibang bayan sa Calabarzon dahil sa matinding ash fall na naranasan matapos sumabog ang bulkang Taal noong ika-12 ng Enero.

Bata man o matanda, aliw na aliw sa cosplayers lalo na kina Ironman, Son Goku, Black Panther, Superman, Super Girl at Spiderman.

Ayon kay Mike Maranan, founder ng My Superhero Friends Foundation na isa ring Taaleño, paraan nila ito para tulungan ang mga Batangueño, lalo na ang kabataan na makapamuhay ng normal sa kabila ng naranasan matapos ang pagputok ng bulkan.

Bukod sa relief goods na natanggap, masaya ang mga bata sa mga palaro at mga premyong laruan at pagkain na ibinahagi sa tulong ng Cars & Coffee Foundation.

Ika-10 taon na ngayon ng grupo ng cosplayers. Kasama sa kanilang nahatiran ng pag-asa at saya ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong 2013.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.