Sundalo patay sa ambush sa Agusan del Norte

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 01:00 AM

Kuha ng Carmen MPS

AGUSAN DEL NORTE - Patay ang isang sundalo at sugatan ang isa pa matapos ma-ambush ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Campo Uno, Barangay Rojales, Agusan del Norte

Kinilala ang namatay na isang intel operative ng 23rd IB Philippine Army na si Col. Neil Denoso habang sugatan naman si PFC Rick Boy Elegaria.

Sa imbestigasyon ng Carmen Police, sakay ng motorsiklo galing ng Barangay Manoligao ang mga biktima at pabalik na sana ng Poblacion nang mangyari ang pananambang.

“May portion doon na walang signal, so vulnerable talaga siya na ma-ambush. Kung sakaling mula o papuntang Manoligao dahil ang area na iyan hindi pa talaga naabutan ng signal,” sabi ni Police Capt. Jennifer Ometer, hepe ng Carmen Police.

Pinaniniwalaang miyembro ng NPA sa ilalim ng Guerilla front 4A, North Eastern Mindanao Regional committee ang responsable ng pag-ambush.

Nagtamo ng tama ng bala sa likod at kanang bahagi ng paa ang yumaong sundalo.

Narekober sa pinangyarihan ng ambush ang 8 basyo ng bala ng M16 rifle, t-shirt, at isang pares ng tsinelas.-Ulat ni Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.