#SaveCapas: Silent protest laban sa quarantine site, isinagawa

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 05:08 PM

Nagsagawa ng silent protest ang mga residente ng walong barangay sa bayan ng Capas, Tarlac bilang pagtutol sa quarantine site sa New Clark City. Trisha Mostoles, ABS-CBN News

CAPAS, Tarlac – Idinaan sa silent protest ng mga residente ng walong barangay sa bayang ito ang kanilang pagtutol sa paggamit ng Athletes’ Village sa New Clark City bilang quarantine site ng mga iuuwing Pilipino mula sa lungsod ng Wuhan, China.

Ayon kay Barangay Aranguren chairman Nestor Sicat na nakakasakop sa New Clark City, nais nilang iparating ang hinanakit sa gubyerno lalo na’t biglaan umano ang naging desisyon at hindi sila kinonsulta.

“Siyempre, inaano din 'yung kapakanan ng mga OFW natin, ang inaano lang namin, papa'no kami ngayon? Papa'no ang kapakanan namin? Kung may nagkaroon ng positive d'yan, papa'no kami?” sabi ni Sicat.

Inaalala din ng ilan sa mga residente ang maaaring epekto nito sa turismo ng kanilang lugar.

“Now gagamitin ito for quarantine purpose, parang iba naman ata ang imahe niya. So there’s a possibility ang mga ibang taong pupunta dito as a tourist, magkakaroon ng konting takot,” sabi naman ni Nestor Guinto, Barangay Captain ng Sta Lucia.

Gayunpaman, tiniyak nilang hindi nila haharangin ang convoy lulan ang mga OFW papasok ng New Clark City sa Linggo. Pero gagawa na sila ng aksyon kung sakali mang magkaroon ng ikalawang batch ng mga ika-quarantine sa lugar.

Magdamagan silang mananatili sa bungad ng NCC at magsasagawa ng prayer vigil hanggang sa pagdating ng OFWs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.