Lalaki, sugatan matapos barilin at pagpapaluin sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 05:59 AM | Updated as of Feb 08 2020 07:38 PM

Watch more in iWantTFC

Sugatan ang isang lalaking driver matapos itong barilin at pagpapaluin ng baril ng hindi pa nakikilalang salarin sa EDSA Roxas flyover Sabado ng madaling araw sa Pasay.

Ayon kay Ambrosio Payumo, supervisor ng Traffic and Parking Management Office, alas-3 ng madaling araw nang makatanggap sila ng report na may komosyon sa naturang flyover. 

Nang kanilang respondehan ay naabutan na lang nilang duguan ang biktima. Nadaplisan ng bala ng baril sa leeg at sabog ang nguso ng biktima dahil pinagpapalo umano ito gamit ang hawakan ng armalite. 

Agad na isinugod sa San Juan De Dios ang driver. 

Wala namang injury ang dalawang Koreanong pasahero ng van. 

Bukod sa binaril na windshield, pinagbabasag din ng suspek ang mga bintana sa kaliwang bahagi ng sasakyan. 

Dagdag ni Payumo, posibleng road rage ang nangyari.

Isang lalaking pasahero ng sasakyan ang nakaalitan umano ng biktima.

Kasalukuyang iniimbestigahan pa ang insidente. - Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.