Lalaki, binaril ng bayaw dahil sa selos

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 05:58 AM

Patay ang isang lalaki sa Maynila nang barilin ito ng kanyang bayaw dahil sa selos.

Kinilala ang biktima na si Haslem Casim, 30 anyos, residente ng Constitutional Road, Barangay Batasan Hills, Quezon City habang ang suspek ay si alyas Samanudin, 40 anyos. 

Ayon sa paunang imbestigasyon ni Police Senior Master Sgt. Bernardo Cayabyab ng Binondo Police, nangyari ang pamamaril sa Juan Luna Street malapit sa kanto ng Plaza Ruiz, Barangay 268, Binondo.

Lumalabas na selos ang pinag-ugatan ng pamamaril. Pinagsabihan na umano ng suspek ang biktima na tigilan na ang pakikipagrelasyon nito sa kanyang asawa pero nagpatuloy pa rin ang pagiging malapit ng biktima at asawa ng suspek.

Nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa batok ang biktima. Dinala ito sa Jose Abad Santos Medical Hospital pero dahil sa kakulangan ng gamit ay inilipat ito sa Philippine General Hospital kung saan ito binawian ng buhay.

Nahuli naman ang suspek sa follow-up operation ng Binondo Police at nakuha mula kay alyas Samanudin ang caliber 45 na baril na ginamit sa krimen.-Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.