Ilang indigent seniors higit 1 taon di nakatanggap ng P500/buwan na pension

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 05:05 PM | Updated as of Feb 10 2020 03:04 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Higit 1 taon nang hindi natatanggap ni Sabina Vigilia, 81, ang kaniyang P500 kada buwan na pensiyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

"Walang pera. Walang pambili ng pagkain . . . Tiis na lang ako sa binibigay na tig-bebente ng mga tao," hinaing ng lola, na residente ng Santo Domingo, Nueva Ecija.

Kuwento ni Vigilia, Nobyembre 2018 nang huli siyang makatanggap ng pensiyon mula DSWD at buong 2019 ay wala siyang nakuha ni singko sa ahensiya.

Parte si Vigilia ng mga indigent beneficiary ng DSWD na tatanggap sana ng P500 kada buwan para sa kanilang pangangailangan.

Ayon sa pinuno ng senior citizens group sa Barangay Malayantoc kung saan nakatira si Vigilia, marami sa kanila ang may katulad na hinaing.

"Kailan pa nila ibibigay 'yon, 'pag wala na sila? Sana naman maging tapat kayo sa mga senior citizens namin dito sa Malayantoc," ani Fred Gabato.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa DSWD ang problema ng mga matatanda. Anila, dumadaan kasi sa masusing reevaluation ang listahan ng mga mabibigyan.

"Hintayin na lang natin bago matapos ang Pebrero, ang ating social pensioners ay makakatanggap na ng kanilang social pension. Para po sa 2020 asahan po nila na magkakaroon ng payout for the first semester by the end of June," pangako ni Irene Dumlao, spokesperson ng DSWD. —Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.