Ilang hog raiser sa Davao Occidental, ayaw i-surrender ang mga alagang baboy

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 04:15 AM

Umalma ang ilang hog raiser sa Davao Occidental sa pagnanais na bigyan sila ng pera kapalit ang pag-surrender nila ng mga alagang baboy para isailalim sa culling. 

Katulad ng nanay na si Erlinda Villaluz, "money down" ang gusto ng babaeng backyard hog raiser ng Santa Maria Davao Occidental kapalit ng kanyang baboy na kakatayin ng gobyerno dahil sa African swine fever (ASF).

Natatapos na ang depopulation ng mga baboy sa bayan ng Don Marcelino, Davao Occidental. May 13,000 baboy na ang kinatay at nag-umpisa na rin ang depopulation sa bayan ng Malita.

Ayon kay Villaluz, umaasa lang siya sa backyard hograising at wala pa siyang naiisip na alternatibong pangkabuhayan kaya ang kondisyon niya sa gobyerno ay bayaran muna sila bago niya isuko ang kanyang dalawang inahin at mga anak nito.

"Nililista-lista lang nila [ang pangalan namin] kasi i-report nila sa barangay, mahirap kung walang bayad. Mahal ang pagkain, kailangan magpirmahan kami para may seguridad kami," ani Villaluz.

Nangako naman ang provincial government ng Davao Occidental na magbigay sila ng tulong pinansiyal sa ginagawang depopulation sa mga baboy.

Pero ‘di pa nila ito agad-agad maibibigay dahil sa mga dadaanang proseso na requirement ng Commission on Audit (COA), ayon kay Marivic Hubac, executive to the governor ng Davao Occidental.

"Si governor, as much as he wanted, ibigay out right [ang pera] pagbigay sa baboy, [ibibigay]. [Pwedeng] kaliwaang ibigay agad ang financial assistance but we need to follow the COA rules and regulations na kailangan mayroong prerequisites na requirements na dokumento,” ani Hubac.

Una nang sinabi ni Department of Agriculture Secretary William Dar na babayaran nila ng P5,000 bawat baboy.

Sa inisyal na bilang ng Davao Occidental provincial government, umabot sa 100,000 na baboy ang kakatayin dahil sa ASF.-Ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.