Ilang aso, manok, nilason, pinagtataga sa Laoag City

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 10:05 AM

Hindi pa matukoy ng awtoridad kung sino ang nasa likod ng pananaga at paglason sa mga alagang aso at manok ng isang residente sa Laoag City. Larawan mula sa isang concerned citizen

LAOAG CITY – Patay na nang datnan ng isang residente ang kaniyang mga alagang aso at manok na hinihinalang nilason at tinaga sa Laoag City.

Nadiskubre ni Rodel Dacoscos ng Barangay Calayab ang sinapit ng mga alagang hayop noong Miyerkoles sa loob ng kanilang bakuran.

Isa pa niyang alagang aso ang tinaga sa likod. May namatay din na aso sa Barangay Cabungaan-B matapos ito tagain sa tiyan.

“Dahil wala pang suspek ay pinapayuhan ko na itali na ang mga aso nila,” sabi ni Diody Quiboyan, konsehal ng Barangay Calayab.

Kinumpirma ng City Veterinarian na tinaga at nilason ang mga natagpuang patay na hayop. Paglabag ito sa Animal Welfare Act na may parusang pagkakakulong ng dalawang taon.

“Ang claim ng may-ari ng ay hindi naman nangangagat pero dahil gala ay kaya ang problema lang ay maraming napeperwisyo ata,” sabi ni Laoag City Veterinarian Arturo Cabello.

Muling paalala naman niya na sundin din ang ordinansa ng lungsod at maging responsable sa pag-aalaga ng hayop. Dapat ay itali ang mga ito at huwag hayaang pagala-gala na minsan ay ugat daw ng gulo.

Patuloy na umiikot ang grupo ng City Veterinarian Office para manghuli ng mga galang aso. May multang P300 hanggang P600 ang sinumang lalabag na may-ari ng mga asong mahuhuling pagala-gala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.