‘Dapat seamless, mabilis’: Paraan ng pagsundo sa mga Pinoy sa Hubei idinetalye

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 05:42 PM | Updated as of Feb 08 2020 08:01 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Tutulak na ngayong Sabado ng gabi sa Hubei province ng China — ang tinaguriang sentro ng bagong coronavirus — ang piling tauhan ng Health at Foreign Affairs departments para sunduin ang mga Pinoy doon.

Binubuo ang team ng 5 taga-Department of Health (DOH) at 3 na taga-Department of Foreign Affairs (DOF), at sasakay sila sa eroplano ng Royal Air na may 6 na crew.

Nakatakda nilang iuwi sa Pilipinas ang nasa 56 tao, kabilang dito ang 4 na sanggol at 7 asawa ng mga Pinoy na may iba-ibang nationality.

Para masiguro ang tagumpay ng repatriation mission, nagsagawa ng simulation exercise ang grupo.

Anila, bago makaakyat ng eroplano ay sasailalim muna sa thermal scanning ang mga sasagiping Pinoy at kasama nila.

Sa loob ng aircraft, may susunding special seating arrangement: sa harap uupo ang team ng DOH at DFA at sa gitna naman ang 56.

"Ginawa namin sa protocol, pagpababa na ng eroplano, puwede na kami mag-start mag-don ng PPEs (personal protective equipment). Gown, goggles, masks, gloves. Tinuruan namin lahat paano gamitin yun," ani Dr. Neptali Labasan, medical officer IV ng Bureau of Quarantine.

Ayon sa DOH, paspasan ang gagawing mission at kailangan makaalis agad ang team sa loob ng isang oras.

"Kailangan seamless at mabilis kasi. Dapat one hour lang ang target, from Wuhan, China, makaalis na kaagad... May clearance sa China. Kung may sakit na, hindi na bibigyan ng clearance," paliwanag naman ni Dr. Gloria balboa, director ng DOH Emergency Management Bureau.

Pagbalik sa Clark International Airport, muling sasailalim sa screening ng Bureau of Quarantine ang mga galing Wuhan.

Kapag makitaan ng sintomas ng 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD), agad silang dadalhin sa ospital.

Kapag wala naman, diretso sila sa New Clark City sa bayan ng Capas, Tarlac para sa 14 araw na mandatory quarantine.

"We’ll be transporting the passenger exhibiting signs and symptoms to the referral hospital... We've been meeting for the past weeks, planning everything down to the last detail. We are extremely prepared to meet all eventualities," ani Dr. Vicente Zaldivar, station chief ng Bureau of Quarantine-Clark.

Dumating na rin sa Clark International Airport ang 3 quarantine bus na posibleng gamitin sa paglipat sa mga uuwing Pinoy, asawa nila, medical team, at crew.

Nakabalot ng plastik ang bawat upuan ng bus at nagkabit ng plastic barrier sa pagitan ng driver at mga pasahero nito.

Sabi ng mga bus driver na nag-volunteer magmaneho, ginawa nila ito para sa kanilang mga kababayan.

"Hindi kami natatakot. Walang kakaba-kaba na mahawaan kami ng sakit na iyan. Ready kami dito," ani Eddie Dizon.

Dagdag ni Eugene Medriano: "Meron po kaming guide na kasama na taga-DOH. Binigyan din kami ng proteksyon para gamitin namin sa aming kaligtasan."

Pero ang mga residente ng Capas, Tarlac, nagprotesta naman bilang pagtutol na gawing quarantine facility ang New Clark City.

Inaalala raw nila ang posibleng epekto nito sa kanilang kalusugan at turismo sa lugar. — May ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.