Babae patay sa pamamaril ng riding-in-tandem sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 11:08 PM

MAYNILA—Isang babae ang patay matapos pagbabarilin ng di pa kilalang mga salarin sa Batasan, Quezon City.

Kinilala ang biktima na si April Sanchez, 36.

Saad ng isang testigo, nasa gilid ng San Diego Elementary School si Sanchez at may kausap sa kalsada nang may dumaang mga lalaking nakamotorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Ayon kay Armando, ama ng biktima, nakulong dati ang kaniyang anak matapos madamay sa kasong hindi niya batid. 

Wala aniya siyang alam na kaaway ng anak.

Iniimbestigahan na ng Batasan Police ang insidente.

Nitong Huwebes, patay rin ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa mga barangay ng Payatas at Batasan.

Sa inisyal na imbestigasyon, dati nang nakulong ang mga biktima, ang isa dahil sa pagnanakaw, at ang isa naman sa ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.