'Pagbabakuna sa tigdas pahirapan dahil sa takot, maling akala'

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 07:01 PM | Updated as of Feb 08 2019 10:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang maglibot ang mga health worker sa iba’t ibang panig ng bansa para bakunahan kontra tigdas o measles ang mga hindi pa nababakunahang kabataan. 

Ito ay matapos ideklara ang outbreak sa Metro Manila at apat pang rehiyon sa nakalipas na dalawang araw. 

Bumisita ang mga health worker sa iba’t ibang barangay sa Quezon City para kumbinsihin ang ilang magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak. 

Bagaman may iilang mga magulang na sumang-ayon sa kanilang alok na bakuna, aminado ang mga awtoridad na nahirapan silang kumbinsihin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak. 

Bukod kasi sa pangamba tungkol sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia na inuugnay sa pagkamatay ng ilang mga kabataan, nagrarason ang ilang magulang na may mga kumakalat na post na mga galing umano sa mga terorista ang itinuturok na bakuna. 

"Hindi naman sa ayaw, takot lang kasi, di ba, sabi sa Facebook mga terorista ang mga nag-i-inject," ayon sa magulang na si Anna Barriatos, na napapayag matapos ang pag-aalinlangan. 

Ayon kay Marissa Vergara, nurse ng Quezon City Health Department, may iilan pang nagsasabi ng masasamang salita sa kanila tuwing nag-aalok sila ng bakuna. 

"Binabaan na nga namin sila tapos binabastos pa kami. Siyempre masakit din sa 'ming mga health workers 'yun kasi talagang dino-door-to-door namin sila tapos ayaw naman nila," aniya. 

Pinaigting din ng mga rehiyon ang pagpapabakuna sa mga kabataan kontra tigdas kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng naturang sakit. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabilang na rito ang ilang barangay at rural health workers sa Bicol Region kung saan nasa 54 na ang nagkatigdas, at dalawa sa mga ito ang namatay na. 

Pinuntahan ng mga barangay health workers ang mga malalayong bahay sa Taysan sa Legazpi kung saan may ililang mga pumayag na bakunahan ang kanilang mga anak. 

May ilan namang nag-alinlangan tulad ni Thelma Antuerpia dahil sa takot ng pamilya sa Dengvaxia, pero kinalauna’y pinayagan na niyang magpabakuna ang kaniyang dalawang anak. 

"Nakakatakot naman kasi lalo na yung naglalabasan [tungkol] sa Dengvaxia," aniya. 

Kasunod ng pagdeklara ng outbreak ng tigdas sa Central Luzon, dumagsa ang ilang magkakamag-anak sa mga pedia clinic sa rehiyon. 
 
Kabilang na rito ang isang pedia clinic sa Angeles City sa Pampanga na napuno ng mga magpapabakuna. 

Naunang nanawagan si Health Secretary Francisco Duque sa mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak at huwag mapapaniwala sa mga maling balita tungkol sa pagbabakuna. 

-- Ulat nina Trisha Mostoles, Raphael Bosano, at Jose Carretero ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.