'Mabigat na trapiko asahan sa simula ng Skyway Connector project'

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 10:00 PM

Watch more in iWantTFC

Nag-abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na asahan ang pagbigat ng trapiko sa pag-arangkada ng Skyway Connector project sa Pebrero 9.

Parte ng pagkukumpini ang pagsasara ng bahagi ng Clover Balintawak para magbigay-daan sa paglalagay ng rampa sa Skyway project na maglalagay ng daluyan mula A. Bonifacio Avenue hanggang Buendia.

Nasa 33,000 sasakyan na bumabaybay sa lugar ang maaapektuhan ng pagkukumpuni, na inaasahang magtatagal ng 10 buwan.

"Kung may mga long term solutions tayo may dadaanan tayong butas ng karayom para matapos itong mga infrastructure," ani MMDA General Manager Jojo Garcia.

Magsisimula alas-11 ng gabi ng Pebrero 9 ang pagsasara ng kalsada at maglalagay ng mga alternatibong ruta ang mga awtoridad para sa mga patungong EDSA.

Sa ilalim ng bagong traffic scheme, magbubukas ng U-turn sa EDSA para makadaan ang mga sasakyan patungo sa A. Bonifacio Avenue.

Ang mga magagaan na sasakyan naman ay maaaring kumaliwa sa De Jesus at dumiretso sa C3 Elevated Expressway hanggang makarating sa EDSA.

Hindi naman daw maapektuhan ang mga sasakyan mula EDSA patungong Bulacan, Pampanga at iba pa dahil apat pa rin ang magiging lane papasok ng North Luzon Expressway.

Ida-divert din ang mga apektadong mga motorista patungong West Service Road, kung saan magdaragdag ng isa pang lane.

Dahil sa gagawing pagkukumpuni muling nanawagan si Garcia sa mga nagsasagawa ng obstruction na umalis na sa mga gagawing alternatibong ruta para makaiwas sa gulo.

"We will clear all obstructions, vendors, illegal structures, most specially illegal parking, tatanggalin po natin 'yan," aniya.

Nasa 17 kilometro ang layo ng gagawing highway, at inaasahang iiksi na sa 20 hanggang 30 minuto ang biyahe kapag gagamitin na ito.

Target ng MMDA na magamit sa Disyembre ang Skyway connector, na ayon sa kanila ay malaki ang magagawa sa pagpapaluwag ng trapiko sa EDSA at C5.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.