Labi ng 2 sakay ng bumagsak na Cessna plane, narekober

Rod Izon, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 04:00 PM | Updated as of Feb 09 2019 02:02 AM

Dumating na sa bayan ng Orani sa Bataan ang mga labi nina Capt. Navern Nagaraja, instructor pilot, at student pilot na si Kuldeep Singh. Narekober ang kanilang mga bangkay sa crash site sa Hermosa, Bataan. Larawan mula kay Charlie Pizarro, general manager ng Metro Bataan Development Authority

HERMOSA, Bataan – Narekober na ang mga labi ng flight instructor at student pilot na sakay ng Cessna plane na bumagsak sa kagubatan ng Malapad na Bato, Gasak Malamig, Mabiga sa nasabing bayan.

Ito ang kinumpirma ni Charlie Pizarro, ng Metro Bataan Development Authority (MBDA), Biyernes.

Watch more in iWantTFC

Mula sa crash site, ang mga labi nina Capt. Navern Nagaraja at student pilot Kuldeep Singh, kapwa Indian national, ay isinakay sa isang chopper at idineretso sa command center ng 1Bataan sa Orani.

Ang dalawa ay lulan ng bumagsak na Cessna plane na may tail number 152 RPC 2724 na iniulat na nawawala noon pang Lunes.

Huwebes nang gabi nang mahanap ang crash site at Biyernes naman nagsagawa ng retrieval operations ang rescue teams ng Bataan police, Philippine Army, Philippine Air Force at MBDA. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.