PatrolPH

Katiwala timbog matapos ibenta, ipamigay ang binabantayang lupa

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 08:40 PM

Isang lola ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos niyang ibenta at ipamigay ang lupa na pinagkatiwala sa kaniya bilang caretaker. 

Pinasok ng NBI-Rizal ang bahay ng 79 anyos na si Zenaida Belioso, kung saan nahuli pa itong binibilang ang pera mula sa pinagbentahan ng lupa sa Tanay. 

Kasamang inaresto sa bahay ni Belioso ang dating kagawad sa barangay na si Lorenzo Tubato, na umano'y tumulong sa pagbebenta ng lupa.

Pag-amin pa ni Tubato, noong nasa katungkulan pa siya ay nagpamigay ng lupa si Belioso para gawing basketball court.

"Humingi kami ng tulong sa kaniya kung puwede bang mamigay siya ng lupa para sa mga bata," ani Tubato.

Pero ayon sa may-ari ng lupa, caretaker lang nila si Belioso. Nagtiwala daw silang mababantayan niya ang lupa habang pinoproseso pa ang papel nito.

"Mga sampung taon namin itong pinaghirapang ititulo tapos ganito pa ang nangyari," hinaing ng may-ari na si alyas "Jerry."

Natuklasan na nasa 20 lote na ang naibenta ni Belioso.

"Iyung mga bumili niyan, basta na lang nagbigay ng pera kahit walang dokumento," sabi ni NBI-Rizal chief Migdoño Congzon.

Depensa naman ng lola, sa ninuno raw niya ang 11 ektaryang lupa na ibinebenta niya pero wala siyang maipakitang papeles.

"Matagal na kaming mga katutubo rito. Dito na kami lumaki," aniya. 

Abiso ng NBI, dapat laging bantayan ng property owners ang kanilang lupa. Dapat ding usisain ng mga buyer ang mga nagpepresentang nagbebenta ng lupa.

"Iyung mga titulo i-check nila sa LRA (Land Registration Authority) kung totoo ito," ani Congzon.

Nakakulong sina Belioso at Tubato sa kasong syndicated estafa. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.