'Fixer' umano ng driver's license, tiklo sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 09:44 PM

DAVAO CITY - Inaresto sa isinagawang entrapment operation ng San Pedro Police ang isang lalaki na itinuturong illegal fixer sa Land Transportation Office (LTO) sa Davao region nitong Huwebes ng gabi. 

Ayon sa mga awtoridad, nagpatulong sa kapulisan ang 23 taong gulang na si Jay Paul Bautista matapos hingan ng pera ng umano'y fixer para maiproseso na ang kanyang driver's license.

Kuwento niya, Hunyo 2018 pa niya niya pina-proseso ang kanyang driver's license at nakapag-bayad na ito ng mahigit P7,000 sa fixer. Pero hanggang ngayon, wala pa ring lisensya ang nai-proseso.

"Mali pud gani nako kay nagpa-ilad pud ko. Nagtuo ko sa tao nga mangingilad diha ra sa LTO nako siya nakita," ayon kay Bautista.

(Mali ko rin talaga dahil nagpaloko ako. Naniwala ako sa tao na nanloloko. Sa LTO ko lang siya nakita.)

Depensa ng lalaki, talagang maiproseso niya ang driver's license ni Bautista, pero kailangan pa niya bumiyahe papuntang Tandag, Surigao Del Sur para doon iproseso ang kanyang papeles dahil hindi masyadong mahigpit ang LTO sa Caraga Region.

"Siguro nasuko na siya. Wala tay mahimo kay nasuko man siya. Kung mosabay lang siya mobyahe, mahuman naman unta gyud na," sabi ng lalaki.

(Siguro nagalit siya. Wala tayong magawa dahil nagalit na siya. Kung sumabay lang siya sa pagbiyahe, natapos na sana 'yan.)

Bukod kay Baustista, may 87 na tao pa sanang ilalakad ng lalaki Huwebes ng gabi patungong Tandag, bago pa ito hinuli.

Handang haharapin ng lalaki kung sakaling kasuhan siya ni Bautista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.